Sana hindi na lang ako ang ate mo.

jia ༘⋆
2 min readSep 8, 2024

--

— sana hindi tayo parehas ng mga sugat ngayon.

https://pin.it/SKKHS7xHG

Lumaki akong takot. Takot humarap sa tao. Takot magsalita at tumayo para sa sarili. Takot balikan ang nakaraan. Takot magpakita ng nararamdaman. Takot na takot salubungin ang kinabukasan.

Bilang bata na agad nabigyan ng responsibilidad na maging pangalawang ina ng nakababatang kapatid, takot akong ipakita ang tunay na ako. Takot ako na baka malaman ng kapatid ko na kagaya niya, bata rin ako — kagaya niya, may takot din ako.

Kung ang kapatid ko ang tatanungin tungkol sa akin, malamang ay sasabihin niyang, “lagi na lamang galit ‘yan si ate!” o ‘di naman kaya’y “ayaw naman akong kausapin ni ate!”

Naiintindihan ko, alam ko, dahil nga aminado ako sa sarili kong takot ako. Takot akong aminin na ang mga sugat na naibibigay ko sa kaniya’y mga sugat lamang din na ibinigay sa ‘kin ng magulang ko — ng magulang namin. Takot akong sabihin na kagaya niya’y natatakot din akong tumayo para sa ‘king sarili, para sa ‘ming dalawa.

Gusto kong humingi ng pasensya sa kaniya dahil ako ang ate niya. Ako ang ate, pero ako ang takot, ako ang mahina, ako ang hindi makapagsabi ng totoong nararamdaman.

Gusto kong humingi ng tawad kung lagi akong galit, kung madalas ko siyang masigawan, kung paminsan-minsan ko siyang nasasaktan — hindi lamang pisikal.

Ngunit gabi-gabi ko ring iniisip at hinihiling na sana maging matapang ako; na sana maamin ko sa kaniya na kahit ako ang ate, mahina pa rin ako.

Sana hindi na lang ako ang ate mo. Edi sana may pumoprotekta sa ‘yo; edi sana hindi ka rin takot sa mga puwede nilang ibato sa ‘yo; edi sana matapang ka. . .edi sana kaya mong lumaban para sa sarili mo. . .kung naturuan lamang kita.

Pasensya na kung duwag si ate, ha? Pasensya na kung hindi ko kayang tumayo para sa sarili ko, para sa ‘ting dalawa. Pasensya na kung palagi akong galit, hindi ko kasi alam kung paano mailalabas ang tunay kong nararamdaman.

Pasensya na kung nasasaktan kita. Pero mahal kita. Mahal ka ni ate.

Pero, sana hindi na lang ako ang ate mo.

--

--